People in traditional Filipino clothing gather under a Buwan ng Wika banner at the university.

Tuwing Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika—isang pagkakataon upang higit nating pahalagahan ang ating kasaysayan, tradisyon, at kultura. Nagiging mas makulay ang mga paaralan at ahensya ng pamahalaan hindi lamang dahil sa mga dekorasyon, kundi maging sa nakagawiang pagsusuot ng mga estudyante at empleyado ng Barong Tagalog, Baro’t Saya, Filipiniana, at iba pang tradisyonal o katutubong kasuotan. 

Bukod sa Buwan ng Wika, madalas ding isinusuot ang mga tradisyonal na kasuotan sa mga pagtitipon tulad ng kasal, conference, pagtatapos, at panunumpa sa katungkulan dahil sa taglay nitong kagandahan at estilo. 

Gayundin, ang mga kasuotang ito ay nagsisilbing mahalagang simbolo ng ating pagkakakilanlan at pagkamalikhain bilang mga Pilipino. Higit sa lahat, ipinapaalala ng mga ito kung saan tayo nagmula at kung bakit mahalagang hindi natin ito malimutan. 

Kung kaya, mahalagang tanungin natin ang ating mga sarili: kapag naitago na sa aparador ang mga tradisyonal na kasuotan, sa paanong paraan pa natin ipinagdiriwang ang kulturang Pilipino? 

Sapat na ba ang pagsusuot ng Barong, o mayroon pa tayong kailangang gawin na higit pa rito? 

Nagsisilbing kabuhayan para sa maraming komunidad sa Pilipinas ang paghahabi, pagbuburda, at paggawa ng mga tradisyonal na tela at kasuotan. Kaya naman, isang paraan upang maipakita ang tunay na pagpapahalaga sa kulturang Pilipino ay pagsuporta sa mga komunidad na nagpapanatili ng sining at tradisyong ito, gayundin ang pag-unawa sa mga hamon na kanilang kinakaharap sa gitna ng makabagong panahon. 

Kung kinagigiliwan at ipinagmamalaki natin ang pagsusuot ng mga tradisyonal na kasuotan sa iba’t ibang pagtitipon, marapat lamang na suportahan din natin ang mga taong nagsisikap na panatilihing buhay ang gawang Pilipino. 

Higit pa rito, mahalagang bahagi rin ng pagmamahal sa ating kultura ang pagiging responsableng mamamayan. Sa panahong laganap ang mga isyu ng korapsyon sa gobyerno at patuloy na dumarami ang mga Pilipinong nakararanas ng kahirapan, importanteng maging mulat tayo sa mga nangyayari sa ating paligid. Ang pagiging mulat ay nangangahulugan din ng pagkakaroon ng malasakit sa kapwa—isang pagpapahalagang bahagi ng kulturang Pilipino. 

Bagama’t magandang paraan ang nakagawiang pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan upang ipagmalaki ang ating pagkakakilanlan, ang tunay na pagdiriwang ng kulturang Pilipino ay hindi lamang nagtatapos dito.  

Kailangan nating tumingin nang higit pa sa panlabas na anyo. Sapagkat marahil, ang tunay na sukatan ng pagiging Pilipino ay hindi lamang kung ano ang ating isinusuot, kundi kung paano natin nauunawaan, sinusuportahan, at isinasabuhay ang kulturang ating minana. 

Fun fact: Noong pre-pandemic, nagsusuot ang mga toll teller sa NLEX at SCTEX ng Baro (para sa mga babae) at Barong Tagalog (para sa mga lalaki) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan (Independence Day). 

Discover more from MPT Link Newsletter

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading