Lakas ng Isang Ina

Ako ay isang single mom na may apat na anak. Noong 2011, pumanaw ang asawa ko—isang pangyayaring nagpabago sa takbo ng aming buhay. Sa gitna ng sakit at kawalan, kinailangan kong maging matatag, hindi lang para sa sarili ko, kundi higit sa lahat, para sa apat na anak ko.

Matapos ang lahat, nagdesisyon akong bumangon. Lumipat kaming mag-iina sa bahay ng Nanay ko upang doon magsimula muli. Hindi naging madali ang lahat, pero wala akong ibang pagpipilian kundi magpatuloy.

Nang makapasok ako sa Easytrip, dala ko ang aking determinasyon. Dalawang taon lamang ang natapos ko sa kolehiyo, pero pinilit kong ibigay ang lahat ng makakaya ko sa trabaho. Isang araw, kinausap ako ng HR. Hinikayat nila akong bumalik sa pag-aaral dahil nakikita raw nila ang potensyal ko para ma-promote. Ngunit sinabi rin nila na hindi pa ako qualified dahil hindi ko pa natatapos ang apat na taong kurso.

Sa totoo lang, sinabi ko noon sa sarili ko—okay lang kahit hindi ako ma-promote. Basta ang mahalaga, may trabaho ako. May regular na kita na maipangtutustos ko sa pag-aaral at pangangailangan ng mga anak ko.

Pero hindi sumuko ang HR sa paghimok sa akin. Paulit-ulit nila akong in-encourage na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Ang sabi nila tutulungan nila akong ma-manage ang schedule ko sa opisina. Kailangan kong i-handle ng tama ang sweldo ko para masuportahan ko ang expenses ko sa school, habang sinusuportahan din ang pag aaral ng mga anak ko.

Naglakas-loob akong subukan. Bumalik ako sa pag-aaral at kumuha ng apat na taong kurso—habang nagtatrabaho at nag-aalaga ng apat kong anak.

Hindi naging madali ang lahat. Ako ang nagbubukas at nagsasara ng opisina para mahabol ko ang deliverables ko. Kasabay nito, ako rin ang nagpo-process ng transfer balance sa ESC, sumasagot sa mga email noong panahon na centralized pa ito at ako lang ang may access sa Cavitex email. Bukod pa rito, ako rin ang humahawak ng inbound at outbound calls.

Dumating sa punto na gusto ko nang sumuko. Sobrang bigat ng responsibilidad, nakakapagod—maging empleyado, maging estudyante, at higit sa lahat, maging isang ina. Pero sa awa ng Diyos, sa dasal ng pamilya ko, at sa suporta ng mga kasamahan ko sa trabaho, nagpatuloy ako.

At isang araw, natapos ko rin ang aking pag-aaral. Sa wakas, naka graduate na ako! Unti-unti kong naprovide ang mga pangangailangan ng mga anak ko, dahil sa mga oportunidad na nagbukas sa akin. Nakita ko ang bunga ng lahat ng sakripisyo at pagod ko.

Pero akala ko tapos na ang hirap, akala ko sapat na ang mga pagsubok na napagdaanan ko.

Noong July 2025, dumating ang isa pang mabigat na hamon sa buhay ko—pumanaw ang pangalawa kong anak na babae. Napakasakit, dahil wala naman siyang sakit. Biglaan. Nakakadurog ng puso para sa akin na Ina, ngunit mas masakit ito para sa tatlo niyang maliliit na anak.

Pero kahit ganun, kailangan kong magpatuloy. Para sa tatlo kong anak. At para sa mga apo ko.

Hanggang ngayon, patuloy akong nananalangin kay God—na bigyan pa ako ng lakas ng katawan, malinaw na pag-iisip, at matatag na puso. Dahil sa bawat araw na dumadaan, pinipili kong lumaban, kahit mahirap.

Hindi perpekto ang buhay ko. Puno ito ng sakit, sakripisyo, at pagsubok. Pero isa lang ang sigurado—hindi ako susuko.

Dahil ako ay isang ina. At para sa pamilya ko, kakayanin ko ang lahat.