Two rappers performing onstage before an enthusiastic crowd

Sang-ayon ka rin ba na ang FlipTop Battle na ang modernong Balagtasan? 

Ang FlipTop Battle, ayon sa presidente at founder nito na si Alaric Yuson (kilala bilang “Anygma”), ay ibinatay sa purong battle rap na inangkop lamang sa Pilipinas. Nagsimula noong Pebrero 6, 2010 ang pinakaunang battle rap sa bansa. 

Ang FlipTop ay walang iisang paksa. Sa halip, nakatuon ito sa personal na atake sa kalaban gamit ang talas ng isip at husay sa pagbigkas ng mga linya. Wala itong tagapamagitan habang nagbabatuhan at nagpapagalingan ang dalawang rapper. Walang limitasyon sa mga ibabatong salita, at malaya silang gumamit ng kahit anong wikang naisin—katanggap-tanggap man sa lipunan o hindi. 

Sa kabilang dako, ang Balagtasan ay nalikha noong panahon pa ng mga Amerikano. Noong Marso 28, 1924, nagpulong ang mga manunulat at makata sa pangunguna ni Lope K. Santos. Nais nilang mag-imbento ng isang bagong uri ng palabas para sa paggunita sa kaarawan ni Francisco Balagtas. Naganap ang kauna-unahang Balagtasan noong Abril 6, 1924 sa Instituto de Mujeres sa Tondo, Maynila. 

Ang Balagtasan ay isang tradisyonal na sining ng pagtatalong patula. Sa halip na normal na debate, ang dalawang magkatunggaling panig ay nagpapalitan ng mga katwiran na may sukat, tugma, at indayog. Ang pangunahing layunin nito ay maipakita ang galing sa pangangatwiran at ang kagandahan ng wikang Tagalog. 

Ikinukumpara ni Virgilio Almario, isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang FlipTop sa tradisyonal na tula dahil sa taglay nitong ritmo at tugma. Sinang-ayunan din ito ni Felipe de Leon Jr. (dating Chairman ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA) na maaari itong ituring na makabagong anyo ng Balagtasan sa kasalukuyang panahon. 

Ngunit para sa mga nagpapatuloy ng tradisyon ng Balagtasan, gaya ng makatang si Michael Coroza, at maging sa founder mismo ng FlipTop na si Alaric Yuson, iginiit nilang hindi dapat ituring na modernong bersyon ng Balagtasan ang FlipTop dahil ang dalawa ay magkaibang anyo na may sariling sistema, kultura, at pagkakakilanlan. 

Sa huli, ang pagtutunggali ng FlipTop at Balagtasan ay hindi lamang usapin ng luma laban sa bago. Ito ay salamin ng nagbabagong mukha ng kulturang Pilipino. Bagamat magkaiba ang kanilang entablado pareho itong nagpapatunay na tunay na mayaman at buhay ang wikang Filipino sa ating bansa. 

Ang tunay na katanungan ngayon ay hindi kung alin ang mas magaling, kundi kung paano natin gagamitin ang mga sining na ito. 

Ikaw, saang panig ka? 

Source: https://www.fliptop.com.ph/articles/let-s-take-it-back-grain-assault-1 

Source: https://thefliptopbattleleague.blogspot.com/2020/06/fliptop-loonieabra-vs-shehyeesmugglaz.html

Source: https://bulacan.gov.ph/photo-release-balagtasan-on-singkaban/

Discover more from MPT Link Newsletter

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading